Hindi himig-pasko kundi tikatik sa mga bubong
Kasabay ng pagsisimula ng “ber months”, sinalubong ng matinding hagupit ng Bagyong Enteng (Yagi) ang buong Pilipinas na nagresulta sa sunod-sunod na pagsuspinde ng mga klase sa bayan ng Pulilan sa pampubliko at pribadong mga paaralan.
Biyernes, Agosto 30, nang pumasok ang Low-pressure area (LPA) sa Philippine Area of Responsibility (PAR) gawing silangan ng Butuan City at naging tropical depression ito na pinangalanang “Enteng” noong Linggo, Setyembre 1.
Nagresulta ang bagyo sa matinding pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa kasama na ang Bulacan. Dahil dito, noong Lunes, Setyembre 2, idineklara ni Gobernador Daniel R. Fernando na kanselado ang pasok sa lahat ng pampubliko at pribadong mga paaralan, gayundin ang mga pampublikong tanggapan maliban sa mahahalagang service offices.
Ayon sa mga rainfall warning ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), dalawang araw na magkasunod na kabilang ang Pulilan sa mga nasa yellow warning level o may banta ng pagbaha sa mga flood-prone areas.
Kaugnay nito, magkasunod na araw rin nagbaba ng anunsiyo si Igg. Maria Rosario “Maritz” Ochoa-Montejo, alkalde ng Pulilan, na suspendido ang klase sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan mula Setyembre 3.
Bagaman inihayag ni Mayor Montejo kahapon na magpapatuloy muli ang mga klase, binawi rin niya ang anunsiyo matapos ang update mula sa PAGASA
Bunga ng masamang panahon na hatid ng bagyong Enteng at ng sunod-sunod na pagkansela ng klase, naantala ang mga nakatakdang gawain sa St. Dominic Academy of Pulilan, Inc. (SDA) ngayong linggo.
Kabilang dito ang paglulunsad ng English month na sa halip na ilunsad sa paaralan, nagkaroon na lamang ng soft launching kahapon sa Facebook page ng SDA.
Kasama sa mga nakatakdang gawain ang Global Resources for Assessment Curriculum and Evaluation, Inc. (GRACE) Diagnostic Test sa English at Science na lalahukan sana ng mga mag-aaral mula Baitang 7 hanggang 10 ngayong araw subalit isasagawa na lamang ito sa susunod na linggo, Setyembre 13.
Naantala rin ang Holy Spirit Mass/First Friday Mass kasabay ng pormal na pagtatalaga sa Class, Clubs, Parent, at Personnel Officers, at ang pinakakinasasabikan ng mga mag-aaral na Acquaintance Party na sabay-sabay dapat na gaganapin bukas ngunit inilipat ang araw ng pagdiriwang sa Setyembre 19.
Samantala, tuloy na tuloy naman ang paglulunsad ng Solid Waste Ecological Management (SWEM) Program bukas.
Paliwanag ni G. Jomari Garcia, chairman ng SWEM Program, ipagpapatuloy ang relaunching ng nasabing programa kung hindi magsususpinde muli ng klase sa Pulilan.
#
© by Steven Gabriel T. Garcia. All Rights Reserved.