Sa unang araw ng Family Rosary Crusade, pinaalalahanan ni Rdo. P. Dario V. Cabral ng Pandiyosesis na Dambana at Parokya ni San Isidro Labrador ang mga mananampalataya na dahil sa debosyon, nagkakaroon ang lahat ng transpormasyon o pagpapanibago, at daan sa pagiging banal.
“When we pray the Rosary, we exercise our devotion… we chose to transform, to be made holy, and to become God’s presence” (Kapag dinarasal natin ang Rosaryo, isinasagawa natin ang ating debosyon, pinipili nating magpanibago, maging banal at maging presensiya ng Diyos) saad ni Rdo. P. Cabral
Nababago ang lahat sa pamamagitan ng debosyon, at ito ang nagsisilbing tulay patungo sa kabanalan. Inaasahang makita sa lahat ng mga deboto ng Santo Rosaryo ang pagsasabuhay sa mga aral ng Diyos. Nagninilay ang mga mananampalataya sa mga ginawa ng Diyos noong siya ay nagkatawang-tao at namuhay rito sa mundo.
Dapat kakitaan ng presensiya ng Diyos ang taong may debosyon. Sa pagsaaabuhay ng mga misteryo ng Santo Rosaryo sa buhay ng bawat tao, hindi dapat pakitang-gawa lang ang ating debosyon, ayon pa sa Kura Paroko.
“Ang pamilyang nagdarasal ng rosaryo ay iba sa pamilyang hindi nagdarasal ng rosaryo. Ang kabiguan sa debosyon ay nangangahulugan na hindi nauunawaan at naisasabuhay ang tunay na depinisyon nito,”
Sa huli, binigyang-diin niya na napapanibago at pinapagiging-banal ang taong may debosyon sa Rosaryo. Aniya, bilang Dominikano, nararapat na isabuhay ng bawat isa ang debosyon sa Santo Rosaryo—matapos man ang siyam na araw ng nobenaryo. #
---
Ito ang espesyal na coverage ng Onward Dominicans ng ika-30 na Family Rosary Crusade. Patuloy na sumubaybay sa OD para sa mga update and makabuluhang mga artikulo tungkol sa taunang debosyong ito.
© by Steven Gabriel T. Garcia. All Rights Reserved.